𝐏𝐀𝐆𝐍𝐈𝐍𝐈𝐋𝐀𝐘 𝐒𝐀 𝐌𝐀𝐁𝐔𝐓𝐈𝐍𝐆 𝐁𝐀𝐋𝐈𝐓𝐀
Pebrero 05, 2025 | Miyerkules
Paggunita kay Santa Agata (Agueda), dalaga at martir
𝐒𝐀𝐋𝐌𝐎𝐍𝐆 𝐓𝐔𝐆𝐔𝐍𝐀𝐍
Salmo 102, 1-2. 13-14. 17-18a
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
𝐔𝐍𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆𝐁𝐀𝐒𝐀
Hebreo 12, 4-7. 11-15
𝐌𝐀𝐁𝐔𝐓𝐈𝐍𝐆 𝐁𝐀𝐋𝐈𝐓𝐀
Marcos 6, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa sariling bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Nagtaka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong, “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago at Jose, Judas at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At siya’y ayaw nilang kilanlin. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito. Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya. At nilibot ni Hesus ang mga nayon sa paligid upang magturo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
𝐏𝐀𝐆𝐍𝐈𝐍𝐈𝐋𝐀𝐘
Mapagpalang Paggunita kay Santa Agata. Ang inaalala natin na santo sa araw na ito ay martir na dalaga. Ibinuwis niya ang kanyang buhay sa mga kamay ng taong hindi nauunawaan ang kanyang pananampalataya. Ganito rin ang makikita natin sa Ebanghelyo. Hindi kinilala ng mga tao ang ating Panginoong HesuKristo dahil sanay sina na nakikita ito. Minsan, may pagkakataon na nagiging bulag ang tao sa narating ng kapwa. Ayaw nilang maniwala na may ibinunyag sa kasalukuyan sa edad ni Hesus. Ayaw nilang tanggapin ang mensahe ng pagliligtas dahil sanay silang makita si Hesus bilang ordinaryong kapitbahay. Ganito rin ang nangyari kay Santa Agata nang ipapatay siya. Ang pinuno na nagkagusto sa kanya ay hindi nauunawaan kung binago ng Diyos ang pananaw ni Santa Agata. Dahil hindi niya ito maunawaan, inisip niya na malaking insulto sa kanyang sarili ang pagtanggi nito sa kanya bilang mapapangasawa. Ang resulta nito ay kamatayan ng inosenteng dalaga.
Mga kapanalig, kailangan na maging mapagmatyag tayo sa ating mga sarili. Kinakailangan na matuto tayong hindi ikahon ang pagkatao ng ating kapwa. Kahit ang mga taong nakasakit sa atin ay maaaring magbago. Ang pagbabago ng tao na nakasakit sa atin ay hindi nangangahulugan na ilalagay natin ang sarili sa kapahamakan. Ngunit, makakatulong sa ibang tao kung hindi tayo gaganti o hindi natin sila itratrato na parang sila pa rin ang lumang makasalanan, lalo na kung tinalikdan na nila ang mga pagkakamali at naging mabuti na talaga ang pamumuhay nila. Lahat tayo ay may pagkakataon na umahon sa pagkakamali at yakapin ang bagong pagkatao na inilalaan sa atin ng Diyos.
Manalangin tayo. Panginoon, bigyan Mo nawa kami ng grasya ng kalinawan upang hindi kami maging hadlang sa pagbabago ng aming kapwa kahit pa iyong mga nakasakit sa amin. Nawa’y bigyan Mo ng kapayapaan ang bawat isa na nahihirapan ayusin ang mga nasirang ugnayan. Sa Ngalan ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen.+
𝐏𝐈𝐍𝐀𝐆𝐌𝐔𝐋𝐀𝐍:
https://www.awitatpapuri.com/